pino
Sabado, Agosto 11, 2012
Marikit
Para kang motor, pinapasakit mo ang pisngi ng pwet ko.
Pero kahit na anong sakit, nandiyan pa din ako sinasakyan ka.
Kasi alam ko pwede ko naman gamitin ang kabilang pisngi upang mapawi
ang kirot ng kabila. Paulit-ulit kong gagawin iyong pagpapalit-palit
dahil alam ko mahaba ang biyahe natin, katulad ng buhay habang
nasisilayan pa natin ang pagsikat at paglubog ni haring araw ay
patuloy pa rin natin mararanasan ang sarap at sakit ng dulot niyang
liwanag. At hindi tayo lilihis sa ganoong gawain kasi alam natin na
ang init at hapdi na iyon ay kailangan natin upang mabuhay.
Paano natin malalaman ang pagkakaiba ng sarap at hirap, ng lamig at
init, ng bilis at bagal, ng baku-bako at patag na daan kung hindi
natin mararanasan at dadaanan ang mga ito. Paano natin masasabi na ang
isang karanasan ay hindi makakalimutan? Na ang mga nangyari sa
paglalakbay natin ay isang alaala na dapat pahalagahan.
Mas madali mong malilimot ang mga bagay na nagbigay ng panandaliang
aliw kaysa mga karanasan pinaghirapan dahil ang paglalakbay ay hindi
lang mula sa pinanggalingan at paroroonan. Pinaka-importanteng parte
ang nasa pagitan ng dalawa, at ito ay ang iyong naranasan. Dahil ang
mga ngiti at kunot ng noo na dala ng biyahe na yaon ang sisipsip ng
pagkato mong uhaw sa tunay na pang-unawa sa iyong lipunan. Hindi lang
ikaw ang iniikutan ng mundo, kasama ka lang sa bilyong tao na
nagbibigay buhay dito.
Katulad ng biyahe natin, hindi tayo pwedeng umasa na lahat ng daan ay
naka-aspalto, walang trapik at dere-deretso, ganyan din ang buhay
hindi lahat ng oras tayo ay masaya, nahihirapan o kaya ay nasasaktan.
May mga lugar na maganda ang tanawin na atin nakita at mayroon din
naman, likod at usok lang ng sasakyan ang atin nalalanghap. Alam ko
marami ka ng painagdaanan sa buhay, marami na din pagluha at pagtawa
ang iyong ginawa pero hindi dahilan ang mga iyon upang isara mo ang
iyong puso at isipan sa mga darating pang mga karanasan dahil kapag
iyon ang nangyari parang isang byahe lang sa gabi ang iyong buhay,
madilim na paligid at puno ng ligalig at pangamba, palagi na lang
hinihintay kung kailan ka ba makakarating sa iyong paroroonan.
Sa iyong pagkayamot, hindi mo mapapansin ang mga nakasampay na damit
sa tabi ng daan, hindi mo rin magagawang tumigil sa gusto mong tanawin
para magmuni-muni kahit sandali. Hindi ka din magtataka kung bakit
nakaupo ang mga tao sa tabi ng daan. Baka mapamura ka pa sa biglaang
buhos ng ulan na lalong magpapasama ng biyahe natin. Dagdag pa ang
nagliliparan na gamu-gamo at insekto na humahalik sa pisngi mo, di mo
ba alam painapayapa lang ng mga ito ang damdamin mo. Hindi ka maguukol
ng pansin kung bakit ba ganoon ang mga bagay-bagay at ang mga ito ay
tatanggapin mo lamang nang manhid na pakiramdam. Kaya ang payo ko lang
sa iyo na sumabay ka lang sa agos dahil maya-maya lang ay mapapansin
mo na, ang ligayang dulot ng ugoy ng daan.
Ang pagtagilid at pagtayo kasabay ng pagharurot at pagbagal ng ating
sinasakyan sa bawat kurbadang dadaanan. Paakyat at pababang daan ay
kaya mo ng pahalagahan. Kung paano tutupi ang shock ng tinidor sa
harap kapag biglaang kong pipisilin ang preno, ika'y may kurot na
bibigay ngunit ako naman ay sikretong masaya dahil sa pagbangga ng
katawan mo sa akin. Walang mapagsidlan ng tuwa ang mga yakap mo,
tanging naiganti ko lamang ay haplos sa iyong binti at ipit sa iyong
braso, nagbabakasakali na sana sapat na iyon upang iparamdam sa iyo na
ako man ay sobra ang kaligayahan na ika'y makasama.
Parang ayaw ko ng matapos ang araw kahapon, kung maari lang ituloy na
natin ang pag-ikot sa kalawakan ng Mindanao. Hindi ko iindahin ang
pagkamanhid ng aking mga kamay sa pagpihit ng silinyador at preno,
pagiinit ng tumbong ko sa tagal ng pagkakaupo, pati ang pangangalay ng
paa at likuran ay akin ng ipagwawalang bahala basta magkasama lang
tayo ng matagal.
Saksi ang ating anino sa ligaya ng ating naranasan, pareho natin
naranasan ang sarap ng lamig sa umaga, ang hapdi ng init sa tanghali
at ang unti-unting paglamon ng gabi sa liwanag. Pero ang lahat ng
paglalakbay ay may katapusan. Dumating na tayo siguro sa puntong iyon,
na kapwa na tayo napagod. Hindi na natin nakuha pang hintayin ang mga
susunod pang ligaya na mararanasan sa iba pa natin lugar na
pupuntahan. Tayong dalawa ay tumigil na sa hibang na pangarap.
Pero huwag kang magalala, lahat ng ating pinagsamahan ay aking itatago
sa baul ng kayamanan ng aking pobreng pagkatao dahil daig pa ng kislap
ng mga ginto ang ligayang nadama ko habang ika'y kasama. Paalam
Marikit hanggang sa muli.
Yakap na kay sarap
sa akin pinalasap
ni aninong marikit
sa salamin akin nasilip
Yakap na kay sarap
Ako ay nasa alapaap
kasabay ng ibon
ang puso ko ay tumatalon
Yakap na kay sarap
sa 'kiy 'sang pangarap
kahapon natupad
ang guhit sa palad
Halik ni marikit
ako ay naningkit
ngiti na kay tamis
sana ay lumabis
Halik ni marikit
Mata ko'y nanlagkit
Puno ng pag-ibig
sambit nitong bibig
Halik ni marikit
Ibon ay umawit
Puso'y napayapa
Ito'y tuwang-tuwa
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)